angbagongliga21's tags:
angbagongliga21 reads (1):
Who's reading angbagongliga21 (0):
  • Currently, no one
 

Una kong nasumpungan ang lipunan sa labas ng tahanan. Gaya ng marami, ito ang simula ng aking pagtuklas.

Ganito ang lahat ng karanasan higit nang matutunan nating makipaglaro sa mga nalimot o hindi malilimutang mga kababata. Sa panahong ito, nasisilayan natin ang maraming mga tanong, lumalawak na daigdig, dumaraming kaibigan at pamumulaklak ng pangarap.

Lalo pa itong tumitingkad sa panahong yakapin natin ang mundo ng paaralan. Sa panahong ito, mula sa elementarya, sekundarya at sa mapapalad sa Kolehiyo, ang pagtuklas ay isang likas na bahagi ng kamusmusan patungo sa kabataan at ganap na kamalayan.


Sa luob ng silid-aralan, nililitis natin ang mga mali at tama. Kinikilala ang sarili. Tinutuklas ang naisin at naglilimayon sa imahinasyon.

Sa panahon ng pagtuklas, ang paglilitis sa tama at mali ay nagtutungo sa pabago-bagong pananaw. Hinuhulma ng ibayong karanasan sa tulong ng mga kamag-aral, kaibigan, kakilala o kasama.

Sa luob ng tahanan o sa labas man nito, ang napupulot sa paaralan ay minsa’y katuwang sa pag-unlad ng pagkatao o pagkawasak ng mga dating paniwala at relasyon sa pagitan ng anak sa magulang, kapatid sa kapatid, pagkatao sa sarili at sarili sa kapwa. Pabago-bagong nahuhulma ang kamalayang parang alon na dinadala ng mga boses, tinig, awit, sayaw, pananamit, suliranin at aspirasyon ng kung anu-anong nauuso sa magkakaibang panahon.

Mapalad ang ibang kabataan na ang pagtuklas sa sariling pagkatao, karunungan at disposisyon ay naihanda at pinaghandaan ng mga magulang sa luob ng tahanang buo at matatag. Sa marami, mayaman man o mahirap ang pagtuklas sa layunin at buhay sa ilalim ng sikat ng araw o sinag ng buwan ay nagaganap sa mapapait na karanasan, marahas na pagsubok at mapait na mga alaala.

Ganito ang larawan na naipinta ng marami nang manunulat sa pagtuklas ng identidad ng kabataan gayundin ng mga tinig ng mga mag-aaral sa bawat silid aralan na aking natutuklasan.

Sa simula ng pagtuklas sa sariling kakayanan, talino, lakas, galing, halagahan at pagkatao, ang kabataan ay hindi mag-iisa. Laksa-laksang parang mga daluyong ng iba’t ibang mukha ang magiging laman ng kalye. Naglilimayon sa gabi o nagsisikap sa gitna ng sikat ng araw. May nangangarap, may nagdarasal o lumuluha sa dami ng pagsubok at suliranin habang tinutuklas ang sarili.

Sa dulo, ang matibay na pundasyon ng sarili ay mailalatag ng pag-tuklas. Sa kalagitnaan ng kabataan, ang dating tinutuklas ay matutuklasan upang mag-simula muli at hanggang sa muli.





del.icio.us Digg reddit StumbleUpon

Comment on "Simula ng Pagtuklas – albert banico"

Youth (Click to add tags below)

(Separate tags using commas, for example: New York, dating, vegetarian)
Comment Anonymously