Sawa na ako... yan ang sinasabi ko sa sarili ko simula pa kahapon. Ayoko na. Sanay na ako sa ganitong buhay na walang iniisip na kahit na sino, at walang expectations kung kanino man.
Pero bakit kung kelan masaya na ako at tahimik, saka naman siya bumalik. Saka naman siya etong nagpapadama ng "pagmamahal" niya. Ngayon, saka siya hihingi ng oras para lumabas kami, at muling maging bahagi ng buhay ko. Buhay nga naman.
Sinabi ko sa sarili ko na hinay hinay lang ulit ako sa paglabas-labas. Pokus muna sa karera at sa sarili, pero bakit ganun, kung kelan ayaw mo na sa kanya, saka naman siya nagsusumiksik sa buhay ko.
Oo, binigyan ko muli ko siyang binigyan ng pagkakataon, pero parang wala na akong gana. Parang wala na yung kilig sa akin. Pakiramdam ko tuloy napipilitan na lang ako dahil sabi ng utak ko, bakit hindi ko muli subukan. Pero tinatamad talaga ako. Sa katunayan, nagyaya siyang lumabas kami ngayong sabado. Hay, gusto kong matulog, kumain, at tumambay sa apartment ko. Nakakatamad lumabas kasama siya.
Hindi ba dapat masaya na ako, dahil ako ang nagwagi, at ngayon siya itong parang asong nangungulit at paulit ulit na sinasabing mahal niya ako, pero ngayon, parang ayoko na. Pero sige, susubukan ko ulit. Kung hindi man maging maayos sa mga susunod na araw, sasabihin ko na itigil na namin ang kalokohang ito. Hay...
Siguro dala na rin ito ng puyat kaya parang mabigat ang aking naisulat, hay di bale, makakatulog ulit ako nito mamaya, basta lang ba walang magaaya na maginuman ngayong gabi!
Nagdadalawang isip, tinatamad, at naghihintay,
dazed



